God gave me music. And music is in my roots. Hindi ko maipaliwanag kung paano ako naging ganito kasaya sa buong buhay ko. Ganito siguro yung sinasabi nilang pakiramdam ng self fullfilling, o yung pakiramdam ng puno at wala ng hahanapin pa. Salamat po sa Lord sa araw na ito! Sabi nga nung kanta:

 

Ito ang araw na ginawa ng Panginoon, tayo’y magsaya!”

Definitely isa ito sa mga pinakamasasaya kong araw, ang araw na punong puno ng mga surpresa at kaligayahan, at mga bagong kakilala at kaibigan. Iniisip ko pa kung ikukewnto ko ng buong detalye o hindi na.

Dati kasi, pag nasusulat ako sa blog, buong detalye, kasi napa lungkot ng buhay ko noon. Wala akong nakakausap, wala akong napagsasabihan ng mga masasayang yugto ng aking buhay. Pero iba na ngayon. Pero sige, subukan nating ikwento paris ng paraan na ginagawa ko dati.

 

Nagsimula ang araw ko sa simpleng alarm ng 5.55am na pinatay ko lang at tinulugan hannggang sa magising ako ng 8am dahil sa panggigising ng aking nanay. Walang sinabi pa rin talaga ang cellphone alarm sa tawag ng nanay. 9am ang call time ni Sr. Pia, kailangang magmadali.

 

Kagaya ng inaasahan, late ako. Paulit-ulit ng sinasabi sa akin ang kawalan ko ng sense of time, pero mukhang hindi ko pa din naitatama iyon. O talagang slacker lang ako ngayon kaya sira ang body clock ko. Kahit papaano kahit namimick-up ng pasahero yung jip na nasakayan ko, nakarating naman ako ng SBC ng wala pang 9.30. Mga 9.23 ata yun. Unang beses ko iyon pumasok sa gate ng hindi nagpapakaon nga pala sa taga loob. Nahihiya kasi akong pumasok noon. Kahit alumni ako, may hiya pa din ako kahit mayroon naman akong sadyang pakay. Pagkapasok, dali dali akong nagpunta doon sa Convent Parlor upang umattend ng praktis. Gaya ng inaasahan madami na ang tao at para bagang ako na lang ata ang wala.

 

Ngayon ko lang naisip, dapat pala humingi ako ng late slip kay Sir Siyangbigay, na naandun din at nag-aaral ng kanta. Nagbubuhay high school ba daw. haha.

 

Bukod nga pala doon kay Sir Siyangbigay (na asawa ng isa sa mga paborito kong guro noong high school) ay marami pang tao ang bumuo sa lupon ng kakanta para sa Christmas Eve Mass sa SBC Auditorium. Hindi ko na sila maiisa-isa pa, pero andun ang faculty ng grade school at high school departments, ang ICAP, si Sr. Pia at siyempre ang sampid na ako. Nasa patapos na silang bahagi ng pagpapraktis. Awts! Pero buti naman ang gumawa ulit si sr.pia ng run over from the top, kaya nakasunod na naman ako.

 

Isa sa mga hindi ko inaasahang sandali ang mga sunod na nangyari.

 

Para sa Kyrie, dahil sa strong sense of volunteerism, ivinolonteer ako ni Sir Raffy para sa solo. Without hesitation naman ay pumayag ako. Ang problema lang ay hindi ko pa iyon nagagawa sa buong buhay ko. Kumakanta ako sa battle of the bands, pero ibang style naman ng pagkanta ang battle of the bands. Pero sige subok lang! Walang masama sa pagsubok. Kung hindi ko naman kakayanin ang pagkanta, madali naman ako mapapaltan. Isang pulutong iyon ng mga manganganta, madaming pwedeng replacement para sa akin.

Agad akong dumain kay Sr. Pia kasi hindi ko naman alam yung mismong tono kasi ng kanta. O Little Town of Bethlehem daw, hindi naman ako pamilyar pero maganda ang himig. Traditional christmas song daw iyon. So sinubukan kong kumanta. Mukha namang nakuha ko, hindi na humanap si Sr.Pia ng kapalit ko e.

Natapos ang praktis at binigyan kami ng meryenda. Yey! Nag stay back ako kasi uulitin daw ni Sr. Pia ang praktis para dun sa Kyrie at sa Communion song na O Holy Night.

Pero may hindi na naman ako inaasahang nangyari dun sa O Holy Night. Mataas taas din yung kantang iyon, kasama ng second voice. Kaya puspusan na yung aking gagawing pagsasanay.

Matapos kumain ng pananghalian ay nagbalik ako sa aking kumikitang kabuhayan. Nakakatuwang isipin na malaki na din yung iniiuunlad nung tinuturan ko sa gitara. Hindi ako naniniwalang successful akong teacher, naniniwala akong magaling ang aking estudyante. Nakakatuwang isipin na yung methods na pinag-aralan ko through trial and error noong nagisismula pa lang ako maggitara ay nakukuha nya agad. Iba nga pala pag may gabay na ibinibigay mula sa isang mentor.

 

Sunod namang nangyari e ang praktis ng ICAP. Wala naman talaga ako masyadong naitulong na ngayon, nag-aral kasi sila ng boses, hindi ko naman iyon forte, kaya ang ginawa ko inusyoso ko yung mga gitara ng mga gitarista. Tas may nakita akong Nylon string guitar na kasing amoy ng acoustic ko na si Imogen in terms of kahoy. Tuwang tuwa at wiling wili ako sa tunog. Iba nga din pala pag magandang klaseng gitara ang gamit. May idea na din ako sa dapat amoy ng kahoy. Inusisa ko na rin yung ilan sa finger style, kung gumagamit ng flesh o nails, at binubuyo yung iba kumanta.

Masaya din ako nung nakita ko na sumasabay na yung tinuruan ko noong Linggo ng simplified strumming version para makasabay. Medyo may konti pang problema pero nakakasabay na. Me nakita pa akong hindi tuong makasabay. Tuturuan ko sana pero hindi na ako makasingit. Pero masaya pa din ako na kaya ng makasabay nung tinuruan ko. Masaya nga pala sa pakiramdam pag alam mong nagamit ng tinuruan mo iyong itinuro mo. Minsan sumasabay ako ng paggigitara, pero minsan lang iyon. Mahirap din ang mangapa ng chords.

Pagkatapos ng kanilang praktis, dumiretso ako sa Basilica upang magbigay na marubdob na pakikisawsaw sa Magnificat Chorus. (Ang title nga pala ng post na ito ay “Bakit Ka Ba Mahilig Sumawsaw sa Awit ng May Awit?”). Mukha namang ayos ang pagkanta ko kahit medyo para akong taong nangangapa sa dilim. Matiwasay namang natapos ang pagsawsaw ko sa kanila, fullfilling feeling pa din kasi ang sarap nila kumanta, ang sarap nilang kasama. Kailangang mag-improve pa ako para hindi naman ako kahiya-hiya sa harap nila. Ang boses ko kasi ay parang batang paslit kumpara sa mga kaya nilang gawin.

Pagkatapos nuon ay nagpaulan kami patungong KFC. Buti alam ko na ngayon na pwede ko kainin ang spaghetti sa KFC at lumaklak ng Krushers. Punong puno ang tiyan ko kasi bukod sa Spaghetti e busog ako sa kwento at halakhak ng mga kasama ko. Napaka simple pero minsan the most simple are the ones most treasured. Buti na lang may kumikitang kabuhayan ako kahit papano, ay di nakakasama ako sa ganun at nakakakain na din.

Pero siyempre, kailangan ding magtapos ng araw, isa-isa kaming naghiwalay ng landas. Incidental na umuulan. Matatapos na ang masayang araw, pero punong-puno pa din ang puso ko. Ang final moment ngayong araw ay noong inihatid ko si Ina sa kanila. Iyon na talaga ang tumuldok at nagsabing tapos na araw na ito. Pero so what? May bukas pa at may mga susunod pang araw na magiging pagkakataon upang makasama ko ulit sila. Nabasa man ako ng ulan habang naghahatid, kaunting bagay lang iyon para sa saya na dala ng buong araw. Bat ko ba hahayaang sirain ng ilang marka ng dumi ang isang malinis na papel di ba?

Gusto ko pa maibigay ang time ko sa kanila at maishare ang mga kayang kong gawin. Alam ko namang hindi ako ang pinakamagaling na organista, gitarista o bokalista, pero ang alam ko, ibibigay ko ang lahat kung ang mga ito man ay kailanganin. Para talaga akong sira ulo na habang nag-iintay ng tawag sa mga inapplyan ko ay nagsasaya sa larangan ng musika. Musika ang naging katuwang ko noon sa panahon ng lungkot noong kasing edad ko ang mga asa ICAP, pero ngayon, musika ang nagiging paraan ko para maging masaya. Maraming salamat sa regalo ng musika.