Napakababaw ko nung sinabi ko na hindi ganung ka pressured ako pag nagtake ulit ako ng board ngayong April. Tanda ko pa nung tinanong ako ni Kiko kung nakakatakot pa din ang pakiramdam na kukuha ako sa April. Buong yabang kong sinabi na hindi na ako ganung kinakabahan, kasi alam ko na ang gagawin, at isa pa, naka experience na ako ng board. Pero dun ako nagkamali.

Nung sabado, feb26 nangyari ang preboard ng inenrollan kong review center. Hindi naman yun ang una kong beses na kumuha ng simulation exam, at nasubukan ko na ding kumuha ng actual board exam. Pero simula noong umaga, dinasal ko na sana iba na ang kahihinatnan, hindi tulad ng mga eksena noong nagdaang taon sa actual board. Pero sabit, lahat na ata naulit.

Mula sa paggising ng maaga at ang walang kagana-ganang almusal, ganun ang nangyari lahat. Oo. Walang kagana-ganang almusal. Hindi naman sa hindi masarap ang kinain ko kahapon, hindi lang talaga siguro sanay ang sikmura ko na tumunaw ng pagkain pag ala-6 ng umaga. Sanay tong lumiyok at mangasim ng 9. At dahil ganun na nga ang pagkakaprograma nito, inaasahan ko ng makaranas ng matinding kirot at pangangasim sa kalagitnaan ng preboard.

Sabi nila, stress daw ang nagdudulot ng pangangasim. Ewan ko nga ba, naiistress pa nga ba ako? Baka sa longitudinal stress pa na patabi, lumalapad ako e. Pero physical stress? Hindi naman siguro. Hindi naman nakakastress ang tumira sa ibang bahay, ang makisama sa bagong set ng tao, ang gumalaw sa panibago na namang environment, at ang mawala ang mga kinagisnang gawin sa buhay, tulad ng pag-iinternet at panonood ng National Geographic. Idagdag pa natin ang pagdidilig at pagbabaon ng basura, ang paminsan-minsang pagpapakain ng mga alaga sa bahay at ang pagpasyal sa sagingan. Pero yung lahat ng kinasasanayan kong pastime e handa kong kalimutan para sa isang daydream.

Oo. Tama. Daydream. Noong isang araw, naisambulat ko sa sarili ko. Magreretire ako sa early 40s, madami na akong pera, magkakaroon ako ng farm at mag-aalaga ako ng mga hayop. Livestock industry sana. Konting baka sa gitna ng luntiang parang, habang ako naman ay nakasilong sa lilim ng puno at umiinom ng isang basong fresh milk. Parang New Zealand ata yun a..hehe.

Hindi ko alam kung seryoso ang pangarap kung yun, pero ang gusto ko lang ay ang lumagay sa tahimik at ang magkaroon ng simpleng buhay. Nasasabi ko rin noon na kahit sa bahay na pawid lang ako tumira, pero may nakaparadang fortuner..haha. Pero sa hindi pagbibiro, gusto ko ng tahimik na buhay, payak at walang hasel. Hindi ko pinangarap na mamuno sa isang grupo ng tao sa isang kompanya. Alam ko din naman kasi sa sarili ko na hindi ako pinanganak para mamuno. Habang buhay na ata akong nakatakdang maging disipulo, at mukhang hanggang sa pagtanda, ang pagiging disipulo ng sarili kong imahinasyon ang masusunod.

Mabalik tayo sa kuwento.

Unti unting sumikat ang araw. Sumusungaw na ang liwanag sa mga konting siwang ng langit nung umalis kami ng boarding haus. Tungo sa La Consolacion College ang aming pakay. Dun kasi magaganap ang overture para sa second holocaust ng buhay ko. Suot ang pamilyar na puting pangitaas, maong na pantalon at ang tubal na tubal ko nang puting sneakers, sinalubong namin ang lamig at usok ng kamaynilaan.

Wala namang problema sa lakad, bukod sa medyo malayo, at masangsang ang amoy ng ilog, wala na nga atang iba pang problema. Nilakad namin ang daang tuwid at nakahanay ang mga taong puti ang suot na parang mga guyam. Lahat pupunta sa bahay para husgahan, hatulan, at timbangin sa pamamaraang hindi naman talaga nagbibigay ng kahulugan sa tunay mong pagkatao.

Pagpasok pa lang ng gate ng LaCo, weee! Ang saya! Sa loob ng mendiola ay may tahimik pa din palang lugar. Hindi ko alam kung Sabado lang ba talaga, pero parang napaka serene ng paligid. Isang nakakabinging kapayapaan bago ibagsak ang atomic bomb.

Sa totoo lang, hindi na bago sa akin yung pakiramdam na iyon. Parang ganung-ganun din ang naramdaman ko nung unang araw ko sa MLQU. Hindi naman siya sobrang tahimik, pero basta! Tahimik. Ganung-ganun din ang pagmamasid ko sa mga sulok at gilid.

Ang kewl sa loob, napaka archaic! Sa admin building kasi ako napadpad. Hindi ko alam kung ano ba talaga ang meron, pero nakakagaan talaga ng pakiramdam pag nagkikita ako ng mga antigong lugar, lalo pat kahoy. Mejo kreepy, pero mas mataas ang paghanga ko sa pagmiminteni ng gusali. Pati nga mga stage, lobby, chapel, at mga palapag, me certain errrr….katahimikan. Kaya kahit medyo nakakaligaw ang mga taas baba sa paghahanap ko ng mga room, okay lang, kasi parang kool pa din, chill pa din. Relax pa din. Hanggang sa nakita ko ang room.

Medyo hindi pa puno ang room. IBig sabihin, meron pang mas nahihirapan sa akin hanapin ang 306! Grabe! Phew! Malamig na tuyong hangin galing sa aircon ang umiikot sa loob ng room. Umupo ako malapit sa unahan at nagpakalma. Nagpakalma ng sarili para sa mangyayari. Tulad nung actual board, hindi ako kinakabahan. Excited ako. Ang kinaibahan lang ngayon, alam ko ng mahirap ang exam, pero excited pa rin ako e! Wala tayong magagawa.

Ng puno na ang room, howli kamowti! Reunion! Oo, nagreunion kami. Yung ilang testing school mate at roommate ko noong actual board exam ay nandun din. Ewan ko nga lang kung tanda nila ako, pero yung ilan dun tanda ko. Ang alam ko masaya dapat ang reunion, pero pano ka ba sasaya kung ang dahilan ng pagkikita nyo ulit ng mga taong yun e dahil sa pagbagsak ng board exam?

Ng matapos kung maisulat ang mga dapat maisulat, para akong tanga na nagpalinga-linga sa room. Meron kasi akong dapat iconfirm. Sa looks ng room naconfirm ko na na room ito ng elementary. At lalo akong nangilabot ng malaman kong room ito ng grade 3. Oo. Grade 3. Ano bang meron?

Noong actual board kasi noong november, room din ng grade3 ang kinabagsakan ko. Hindi sya deja vu, pero nauulit ang nangyayari.

Kalagitnaan ng exam noong umaga, dumating na din ang hindi ko inaasahan. Nagdala na ng masamang side effect ang biglang pagiba ko ng oras ng pagkain, pati na din ang naghahalong kaba at pressure sa loob ko. Naging mega factory ang intestinal tract ko ng weapons of mass destruction. Chemical gas at nuclear bomb? Name it, we have it! At hulaan nyo. Noong actual board din noong noveber, noong first day, 30mins matapos magsimula ang exam sa math, parehong pareho din ang nangyari. Hindi ko  alam kung kasama ba talaga yun sa dapat kong maexperience ulit, pero hay. Kaya pa namang tiisin kahit papaano. Kahit alam kong nalalason na ang aking dugo, hindi ko kasi tukoy kung nasaan ang dakilang trono na magsasalba sa sangkatauhan.

Nung matapos ang unang exam (natapos ng around 10), humupa ang unos, at nagpasya muna akong jumingle. At saka ko na lang napagtanto din na wala pala akong dalang pera. Howli kamowti! Anong mangyayari sa aking lunch! Masyado akong nasanay na merong lamang pera ang dala kong bag, pero ngayon, barya barya lang talaga ang laman nito. Pero kahit paano naman, nung dumating ang tanghalian, nakaraos ako. At nung matapos naman ang exam, nairaos ko na din ang isa pang dapat kong iraos.

Sa kabuuan ng nangyari, naging maayos naman ang preboard. Hindi pa din ako umasang papasa ako, pero, wat a experience! Kinagabihan e umuwi din ako ng batangas para kumuha ng lakas para sa panibagong linggo. Panibagong pakikibaka na naman sa isang problema na halos isang taon ko nang sinusuong. Hindi ko alam kung hanggang kelan ko pa kayang pahabain ang buhok ko, pero sana, jan jan banda, maipapagupit ko na ito.